Republic of the Philippines
Department of Education – Region III

SCHOOLS Division Office of Olongapo City

Philippine Standard Time:

Project O.R.A.S, sinuportahan ng PDA-Olongapo Chapter

Ni:  Florentino C. Paller

Isinagawa ang Project Oral Health Education and Recreational Activities with our Benovelent Stakeholders (O.R.A.S ) noong Marso 22, 2023 sa Sitio Tralala Extension, Gordon Heights II Elementary  School.

            Ipinanukala ang nasabing proyekto ng mga guro ng Gordon Heights II Elementary School na sina G. Florentino C. Paller, Master Teacher I, Bb. Danabel A. Trapane, Teacher II at  Bb. Reynalyn T. Balibat, Teacher 1 upang mahandugan ng kapaki-pakinabang na mga gawain ang mga mag-aaral ng Sitio Tralala kaugnay na rin sa pagdiriwang ng Oral Health Month at International Oral Health Day.

            Nakipag-ugnayan ang mga gurong nagpanukala ng proyekto sa mga may potensyal at may butihing puso na mga stakeholders upang maging bahagi at magbigay ng libreng serbisyo sa mga mag-aaral ng Sitio Tralala.

            Pangunahing sponsor ng proyekto ang Philippine Dental Association (PDA)  – Olongapo Chapter  at naging kaagapay rin ang Rotary Club of  Downtown Olongapo, kung saan ay sinuportahan din ang mga ito nina Gng. Aurora S. Luna, Principal III, Division School Health and Nutrition Unit  sa pangunguna ni Dr. Jeremy Calica at Gng. Edwina Espiritu, EPS ng Araling Panlipunan at Division IPED Focal Person.

             Isinagawa ng pamunuan ng SDO Olongapo Health and Nutrition Unit ang  Medical and Dental Check-up sa mga mag-aaral habang ang pamunuan ng PDA naman ay masayang nagsagawa ng story telling sa mga  mag-aaral.  Nagkaroon din ng maikling talakayan kaugnay sa pangangalaga ng ngipin mula kay Dr. Daryl Joy Eustaquio at tamang paghuhugas ng mga kamay at pagsesepilyo  mula naman kay Dr. Richard Gelacio ng SDO-Olongapo.

            Naging bahagi rin ang mga magulang sa talakayan upang maunawaan ang mga responsibilidad kaugnay sa pangangalaga at pagprotekta sa kalusugan ng mga anak.

             Nagkaroon din ng fluoride application, circumcision sa tatlong mag-aaral at feeding program sa kabuuang bilang  na 56 na mga mag-aaral ng Sitio Tralala.  Nagbahagi rin ng mga food packs, toothbrush, toothpaste at handouts para maging gabay ng mga mag-aaral sa kanilang oral health.                  Inaasahan na sa mga susunod pang panuruang taon ay muling maisakatuparan ang nasabing proyekto upang tuluyang masubaybayan at masuportahan ang mga mag-aaral sa Sitio Tralala, Gordon Heights II Elementary School