by Glenn Tipay
Olongapo City, Pilipinas — Isang makasaysayang tagumpay ang tinamo ng Delegasyon ng Olongapo City matapos nilang dominahin ang katatapos lamang na Central Luzon Regional Athletic Association (CLRAA) Meet 2025, kung saan sila ang itinanghal na Over-All Champion laban sa 21 division ng buong Region 3.
Sa matinding kompetisyon na ginanap sa iba’t ibang larangan ng isports, nagpakitang-gilas ang mga tinaguriang “Apo ni Apo,” sagisag ng lakas, husay, at dedikasyon ng mga batang atleta mula sa Olongapo. Nakamit nila ang 2nd Over-All na pwesto sa Elementary Level at Over-All Champion naman sa Secondary Level at ang kabuuan ay OVER-ALL Champion — isang pambihirang tagumpay na hindi pa narating ng lungsod sa kasaysayan ng CLRAA.

Pinangunahan ng DepEd Olongapo City, sa pamumuno ni Dr. Imelda P. Macaspac, OIC- Schools Division Superintendent, kasama ang buong pamunuan ng division at suportadong lubos ng lokal na pamahalaan, ang masusing paghahanda ng mga atleta. Mula sa matiyagang ensayo hanggang sa mismong laban, ipinamalas ng mga atleta ang tapang, disiplina, at puso ng isang tunay na kampyon.

“Hindi matatawaran ang sakripisyo at dedikasyon ng ating mga atleta, coaches, at buong technical team. Ito ay patunay na ang Olongapo City ay hindi lamang magaling sa larangan ng edukasyon kundi pati sa sports,” pahayag ng isang opisyal ng DepEd Olongapo.
Dagdag pa rito, binigyang-pugay rin ang suporta ng mga magulang, guro, Mayor Rolen C. Paulino, Jr. at buong komunidad ng Olongapo na nagsilbing inspirasyon ng mga atleta sa bawat laban. Ang pagkapanalong ito ay hindi lamang para sa mga naglaro kundi para sa buong lungsod na matagal nang nangangarap ng ganitong karangalan.

Inaasahan ngayon ng DepEd Olongapo City na mas lalo pang lalakas ang suporta at pagpapaunlad sa grassroots sports program ng lungsod, bilang paghahanda sa mas malalaking laban sa pambansang antas gaya ng Palarong Pambansa.

Sa kasaysayan ng CLRAA, ang panalong ito ang nagsilbing matibay na patunay na sa puso ng bawat “Apo ni Apo,” ang pangarap ay kayang maabot sa pamamagitan ng sipag, tiyaga, at pagkakaisa.

Mabuhay ang DepEd Olongapo City! Mabuhay ang mga Apo ni Apo!