Baby Lea C. Divino, PDO II CID-LRMDS
Sinasabi na ang pagbasa ay ang pundasyon ng karunungan sa pag-unlad ng panghabambuhay na pagkatuto, kaya’t mahalaga ang papel ng mga guro sa paghubog ng kasanayan ng mga mag-aaral. Malaking hamon sa edukasyon ang mababang antas ng literasi ng ilang mag-aaral, lalo na nasa unang baitang, kung saan binubuo ang pundasyon ng kanilang pagkatuto.
Itinuturing na malaking hakbang sa pagtatamo ng kaalaman ang pagbabasa nitoinilunsad ang proyektong “Gurong Nagpapabasa, Batang Nakababasa” sa pamumuno ni Jeffrey T. De Leon, Tagamasid ng Programang Pang-edukasyon sa Filipino. Layunin ng proyekto na maipaunawa sa mga guro ang mahahalagang aspeto ng pagtuturo ng literasi, maiangat ang antas ng kasanayan sa pagbasa ng mga mag-aaral, at mabawasan ng porsyento ang bilang ng nangangailangan ng refresher sa pagbasa. Isa sa bahagi ng proyekto ang paggamit ng Marungko Booklet na materyal na naglalaman ng mga mabisang hakbang sa pagpapabuti ng literasi sa mga mag-aaral, partikular sa mga nagsisimula pa lamang sa pagkatuto ng pagbasa.
Bilang bahagi ng proyekto, binuo ang mga materyales tulad ng mga booklet para sa panimulang literasi na tumutulong sa pagpapahusay ng kakayahan sa pagbasa ng mga mag-aaral upang matugunan ang iba’t ibang pangangailangan sa pagkatuto, partikular sa mga nahihirapan sa pagbabasa.
Inaasahan na sa pagtatapos ng proyekto, lubos na mauunawaan ng mga guro na nagtuturo sa unang baitang ang tamang pamamaraan sa pagtuturo ng literasi, magpapakita ng pag-unlad ang mga mag-aaral sa kanilang kasanayan, at mababawasan ang bilang ng mga antas sa pagbasa na nasa full refresher.
Lubos ang pasasalamat sa suporta nina Dr. Imelda P. Macaspac, Kawaksing Tagapamanihala ng mga Paaralan (Nanunungkulang Pinuno); Ilynne S. Samonte, Kawaksing Tagapamanihala ng mga Paaralan; Dr. Eleonor C. Cayabyab, Hepe ng Hepe, Sangay ng Tagapagpatupad ng Kurikulum; at sa mga Tagamasid ng Programang Pang-edukasyon at Tagamasid Pampurok na malaki ang naging kontribusyon sa tagumpay ng proyektong ito. Ang kanilang patnubay at malasakit ang naging daan sa tagumpay ng proyektong ito.
Ang “Gurong Nagpapabasa, Batang Nakababasa” ay patunay na ang sama-samang pagkilos ng mga guro, tagapamahala, at tagapagtaguyod ng edukasyon ay mahalaga upang maabot ang layunin ng dekalidad na edukasyon para sa bawat batang Pilipino.