Ni: Florentino C. Paller
Isinagawa ang Project Oral Health Education and Recreational Activities with our Benovelent Stakeholders (O.R.A.S ) noong Marso 22, 2023 sa Sitio Tralala Extension, Gordon Heights II Elementary School.
Ipinanukala ang nasabing proyekto ng mga guro ng Gordon Heights II Elementary School na sina G. Florentino C. Paller, Master Teacher I, Bb. Danabel A. Trapane, Teacher II at Bb. Reynalyn T. Balibat, Teacher 1 upang mahandugan ng kapaki-pakinabang na mga gawain ang mga mag-aaral ng Sitio Tralala kaugnay na rin sa pagdiriwang ng Oral Health Month at International Oral Health Day.
Nakipag-ugnayan ang mga gurong nagpanukala ng proyekto sa mga may potensyal at may butihing puso na mga stakeholders upang maging bahagi at magbigay ng libreng serbisyo sa mga mag-aaral ng Sitio Tralala.
Pangunahing sponsor ng proyekto ang Philippine Dental Association (PDA) – Olongapo Chapter at naging kaagapay rin ang Rotary Club of Downtown Olongapo, kung saan ay sinuportahan din ang mga ito nina Gng. Aurora S. Luna, Principal III, Division School Health and Nutrition Unit sa pangunguna ni Dr. Jeremy Calica at Gng. Edwina Espiritu, EPS ng Araling Panlipunan at Division IPED Focal Person.
Isinagawa ng pamunuan ng SDO Olongapo Health and Nutrition Unit ang Medical and Dental Check-up sa mga mag-aaral habang ang pamunuan ng PDA naman ay masayang nagsagawa ng story telling sa mga mag-aaral. Nagkaroon din ng maikling talakayan kaugnay sa pangangalaga ng ngipin mula kay Dr. Daryl Joy Eustaquio at tamang paghuhugas ng mga kamay at pagsesepilyo mula naman kay Dr. Richard Gelacio ng SDO-Olongapo.
Naging bahagi rin ang mga magulang sa talakayan upang maunawaan ang mga responsibilidad kaugnay sa pangangalaga at pagprotekta sa kalusugan ng mga anak.
Nagkaroon din ng fluoride application, circumcision sa tatlong mag-aaral at feeding program sa kabuuang bilang na 56 na mga mag-aaral ng Sitio Tralala. Nagbahagi rin ng mga food packs, toothbrush, toothpaste at handouts para maging gabay ng mga mag-aaral sa kanilang oral health. Inaasahan na sa mga susunod pang panuruang taon ay muling maisakatuparan ang nasabing proyekto upang tuluyang masubaybayan at masuportahan ang mga mag-aaral sa Sitio Tralala, Gordon Heights II Elementary School