Ni Glenn D. Tipay
OLONGAPO CITY, Hulyo 31, 2026 – Pinalakas ng Schools Division Office ng Olongapo City ang pagpapatupad ng School Sports Club sa mga pampublikong paaralan sa pamamagitan ng pagsasagawa ng One-Day Orientation on the Institutionalization of School Sports Club para sa mga school heads ng elementarya at sekundarya, alinsunod sa DepEd Order No. 22, s. 2025 o Policy Guidelines on the Institutionalization of the School Sports Club in Public Schools.




Pinangunahan ni Division Sports Coordinator Rechie A. Gadiana ang oryentasyon na ginanap sa Division Office Conference Hall upang ihanda ang mga school heads sa epektibong pagpapatupad ng School Sports Club sa kani-kanilang mga paaralan.

Layunin ng aktibidad na palalimin ang pag-unawa ng mga school administrators sa layunin, organisasyon, pamantayan, at mekanismo ng School Sports Club, gayundin ang pagpapatibay ng kanilang kakayahan sa pagpapatupad ng mga inklusibo, ligtas, at napapanatiling programang pampalakasan na nagsusulong ng kalusugan, disiplina, pamumuno, teamwork, at pangkalahatang kapakanan ng mga mag-aaral.
Sa kanyang welcome message, binigyang-diin ni Ramil G. Gonzales, SGOD Supervisor, ang kahalagahan ng institutionalization ng School Sports Club bilang suporta sa holistikong paghubog ng mga mag-aaral at sa pagsusulong ng edukasyon.


Sa unang sesyon, tinalakay ni Gadiana ang mga pangunahing probisyon ng DepEd Order No. 22, s. 2025, kabilang ang rationale, saklaw, policy statement, implementation framework, at mga proseso sa pagtatatag at pamamahala ng School Sports Club. Ipinaliwanag din niya ang mahahalagang responsibilidad ng mga school heads sa pangangasiwa ng programa, kabilang ang student participation, sports safety measures, resource management, talent identification, monitoring, at pagsunod sa umiiral na mga polisiya ng DepEd.



Nagbigay naman si Atty. Gene Vincent G. Perez ng talakayan hinggil sa child protection at mga usaping may kaugnayan sa posibleng pang-aabuso ng mga coach. Binigyang-diin niya ang kahalagahan ng masusing screening at pagpili ng mga coach upang matiyak ang ligtas at protektadong kapaligiran para sa lahat ng student-athletes.

Samantala, ibinahagi ni Nestor N. Balois, Public Schools District Supervisor, ang mga gabay sa pagbuo ng School Sports Club Action Plan, kabilang ang resource mobilization, program implementation, risk management, at health and safety measures.


Sa kanyang mensahe, hinikayat ni Schools Division Superintendent Dr. Imelda P. Macaspac ang mga school heads na paigtingin ang institutionalization ng School Sports Club bilang mahalagang estratehiya sa pagpapaunlad ng disiplina, pagpapahalaga sa sportsmanship, at paglinang sa kabuuang pagkatao ng mga mag-aaral.


Tinalakay naman ni Robert Noe Pagapang, Project Development Officer I, ang mga tungkulin ng mga implementers at ang monitoring and evaluation mechanisms upang matiyak ang epektibong implementasyon ng programa sa antas ng paaralan.


Binigyang-diin din ni Danilo Dela Rosa, Education Program Supervisor para sa Special Education, ang kahalagahan ng inclusive sports upang matiyak ang pantay na pagkakataon ng lahat ng mag-aaral, kabilang ang learners with disabilities, na makilahok sa mga gawaing pampalakasan.


Nagbigay rin ng paglilinaw si Jerimaine M. Perez, Administrative Officer IV at Human Resource Management Officer II, hinggil sa overtime pay at service credits ng mga gurong nagsisilbi sa mga gawaing pampalakasan lampas sa kanilang itinakdang teaching hours.


Nagtapos ang programa sa isang open forum kung saan nabigyang-linaw ang mga katanungan ng mga kalahok kaugnay ng implementasyon ng School Sports Club, bago ang closing remarks ni Gadiana.
Sa pamamagitan ng gawaing ito, muling pinagtitibay ng SDO Olongapo City ang pangako nitong maisakatuparan ang isang dekalidad, inklusibo, ligtas, at mahusay na programang pampalakasan na magsisilbing mahalagang bahagi ng holistikong pag-unlad ng bawat mag-aaral.


