Republic of the Philippines
Department of Education – Region III

SCHOOLS Division Office of Olongapo City

Philippine Standard Time:

Memorandum of Understanding Signing of the Action Plan “Ligtas Eskwela”: A Collaborative Initiative of the Olongapo City Police Office and the Schools Division Office of Olongapo City

Ni John Benedict  Pecson

OLONGAPO CITY, Hulyo 27, 2026 – Isang mahalagang hakbang tungo sa pagpapatibay ng kaligtasan at seguridad sa mga paaralan ang isinakatuparan sa pamamagitan ng Memorandum of Understanding Signing of the Action Plan “Ligtas Eskwela”: A Collaborative Initiative of the Olongapo City Police Office and the Schools Division Office of Olongapo City, na ginanap noong Hulyo 27, 2026, alas-9:00 ng umaga sa Conference Room ng Schools Division Office of Olongapo City.

Pinangunahan ang ceremonial signing ng Schools Division Superintendent, Dr. Imelda P. Macaspac, kasama sina Assistant Schools Division Superintendent Ilynne S. Samonte, School Governance and Operations Division Chief Ricardo E. Ednave, Administrative Officer V Juvimin O. Mustar, at mga opisyal at kawani ng Schools Division Office of Olongapo City.

Dumalo rin bilang kinatawan ng Olongapo City Police Office sina City Director PCOL Deonido S. Maniago Jr., PLTCOL Julius A. Jimenez, at PLT Mary Ann E. Sadaba, na nagpahayag ng kanilang buong suporta sa pagpapatupad ng mga programang naglalayong mapanatili ang isang ligtas at maayos na kapaligiran para sa mga mag-aaral, guro, at iba pang kawani ng paaralan.

Ang paglagda sa Memorandum of Understanding ay nagsisilbing opisyal na pagsisimula ng mas pinaigting na ugnayan sa pagitan ng Olongapo City Police Office at ng Schools Division Office of Olongapo City sa pagpapatupad ng Action Plan “Ligtas Eskwela.” Layunin ng inisyatibong ito na palakasin ang koordinasyon ng dalawang ahensya sa pagpapatupad ng mga hakbang sa school safety, crime prevention, emergency preparedness, at iba pang mga programa na magtitiyak ng ligtas at kaaya-ayang kapaligiran sa pagkatuto.

Sa kanyang mensahe, binigyang-diin ni Dr. Macaspac ang kahalagahan ng pagtutulungan ng sektor ng edukasyon at kapulisan sa pagtataguyod ng kapakanan ng mga mag-aaral. Aniya, ang sama-samang pagkilos ng iba’t ibang ahensya ay mahalagang salik sa pagbuo ng mga paaralang ligtas, matatag, at handang tumugon sa anumang banta o panganib.

Samantala, ipinahayag ni PCOL Deonido S. Maniago Jr. ang patuloy na suporta ng Olongapo City Police Office sa mga programa ng DepEd Olongapo City. Kanyang binigyang-diin na ang aktibong pakikipagtulungan sa sektor ng edukasyon ay mahalaga upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan sa loob at paligid ng mga paaralan at upang mapangalagaan ang kapakanan ng mga mag-aaral at mga kawani.

Sa pamamagitan ng Memorandum of Understanding na ito, inaasahang higit pang mapagtitibay ang ugnayan ng dalawang institusyon sa pagpapatupad ng mga inisyatibong nakatuon sa kaligtasan ng mga paaralan, alinsunod sa layunin ng Action Plan “Ligtas Eskwela” na makalikha ng isang ligtas, disiplinado, at mas matatag na kapaligiran sa pag-aaral para sa bawat mag-aaral sa Lungsod ng Olongapo.