Republic of the Philippines
Department of Education – Region III

SCHOOLS Division Office of Olongapo City

Philippine Standard Time:

Lumipad Patungong Taiwan ang Piling Delegado ng SDO Olongapo at Regional Science High School III, para sa Cultural and Academic Exchange Program

Ni Glenn D. Tipay, EPS-II SMN

Keelung Taiwan– Isang makabuluhang hakbang tungo sa pagpapalakas ng pandaigdigang ugnayan at pagpapaunlad ng kalidad ng edukasyon ang isinagawa ng DepEd Olongapo City sa pamamagitan ng Cultural and Academic Exchange Program sa pagitan ng Regional Science High School – Olongapo City at National Keelung Senior High School ng Taiwan.

Isinagawa ang programa sa dalawang yugto: Marso 9–13, 2026 sa Olongapo City at Marso 23–27, 2026 sa Keelung, Taiwan, na nilahukan ng kabuuang 22 mag-aaral, 2 guro, at 1 school director mula Taiwan, at 21 mag-aaral, mga guro, 3 opisyal ng paaralan, 2 kinatawan mula Schools Division Office (SDO), at isang kinatawan mula sa tanggapan ng alkalde ng Olongapo.

Layunin ng programa na mapalalim ang kamalayang kultural ng mga kalahok, mapalakas ang kolaborasyong akademiko, mapagtibay ang ugnayang internasyonal ng mga institusyon, at makapagbigay ng makabuluhang karanasan sa pagkatuto sa pamamagitan ng immersion activities.

Noong Marso 9, 2026, pormal na sinalubong ang delegasyon mula Taiwan sa isang Flag Raising Ceremony sa Rizal Triangle, kung saan mainit silang tinanggap ni City Mayor Rolen Paulino, Jr. at Schools Division Superintendent Imelda P. Macaspac. Sinundan ito ng Memorandum of Agreement (MOA) Signing sa FMA Hall na naglatag ng opisyal na kasunduan ng dalawang paaralan, kabilang ang probisyon na sasagutin ng host school ang gastusin ng mga bisitang mag-aaral maliban sa pamasahe.

Isinagawa rin ang isang Welcome Program sa Regional Science High School sa pangunguna ng Assistant Schools Division Superintendent na si Ilynne S. Samonte. Naging tampok ang mga presentasyong kultural at interaktibong gawain. Nakibahagi rin ang mga panauhin sa classroom observations at isang friendly basketball game kasama ang mga mag-aaral ng RSHS.

Sa ikalawang bahagi ng programa, bumisita naman ang delegasyon mula Olongapo sa Taiwan kung saan sila ay mainit na tinanggap at binigyan ng masinsing programa ng kanilang host school. Naranasan ng mga kalahok ang aktwal na classroom immersion, pakikilahok sa mga gawaing pampaaralan, at paglibot sa 15-ektaryang campus na may makabagong pasilidad tulad ng multimedia library at advanced technological tools.

Bahagi rin ng kanilang pagbisita ang pagpunta sa mga makasaysayan at kultural na lugar tulad ng Chiang Kai-shek Memorial Hall, Lin Family Mansion and Garden, Presidential Office Building, Yehliu Geopark, at iba pang tanyag na pasyalan. Naranasan din ng mga kalahok ang kulturang Taiwanese sa pamamagitan ng night market visits, pagtikim ng lokal na pagkain, at pagkatuto ng paggawa ng pineapple pie.

Bunga ng programa, lalong tumibay ang ugnayan ng dalawang institusyon, napaigting ang kamalayang kultural ng mga kalahok, at nadagdagan ang pagpapahalaga sa makabagong pamamaraan ng pagtuturo at mga pasilidad sa edukasyon. Nabuo rin ang matibay na samahan at paggalang sa isa’t isa sa pagitan ng mga mag-aaral at guro. Sa kabuuan, napatunayang matagumpay ang Cultural and Academic Exchange Program bilang isang makabuluhang inisyatiba na nagbigay ng natatanging karanasan sa akademiko at kultural na aspeto ng mga kalahok. Patunay ito sa patuloy na pagsisikap ng SDO Olongapo City na makalikha ng mga globally competitive at culturally aware na mga mag-aaral ng Olongapo.