Ni Baby Lea C. Divino, PDO II
Enero 9, 2026 — Olongapo City. Bahagi ng inisyatibong “Bringing Books to Public Schools in the Division of Olongapo,” matagumpay na binuksan at binasbasan ang Library Hub sa Old Cabalan Integrated School (OCABIS) upang gawing mas accessible ang mga learning resources, palakasin ang mga programa sa pagbasa, at linangin ang pagmamahal sa pagbabasa ng mga mag-aaral.

Sa pamumuno ni Gng. Amalia Abaya, School Principal IV, katuwang ang dedikadong Learning Resources (LR) Team, naisakatuparan ang proyekto sa ilalim ng mahusay na gabay ni Dr. Raquel F. Queyquep, LRMDS Supervisor, na nagbigay ng direksyon para sa tagumpay ng inisyatiba. Katuwang sa pagsasakatuparan ng proyekto sina Mary Onyx U. Villar, Division Librarian, at Baby Lea C. Divino, PDO II.

Lubos ang pasasalamat ng Schools Division sa matagumpay na pagpapatupad ng proyekto na pinangunahan ni Schools Division Superintendent Dr. Imelda P. Macaspac. Sa kanyang mensahe binigyang-diin rin ni Asst. Schools Division Superintendent Ilynne Samonte,CESE ang kahalagahan ng pagbabasa sa pagpapalawak ng kaalaman at imahinasyon ng mga mag-aaral. Kasama ang buong CID Family, nagpahayag naman ng taos-pusong pasasalamat si CID Chief Dr. Eleonor Cayabyab sa patuloy na suporta sa proyekto.

Nagbigay rin ng suporta si Barangay Captain Rolando Alba Jr., na binigyang-diin na ang pagkakaroon ng Library Hub sa kanilang barangay, lalo na sa OCABIS, ay malaking tulong sa pagpapalawak ng kaalaman at paghahanda ng kabataan tungo sa mas maliwanag na kinabukasan.
Pinuri rin sina Engr. Justin Espiritu at ang kanyang Engineering Team sa kanilang kasanayan at dedikasyon sa matagumpay na pagtatayo ng pasilidad. Kinilala rin ang mahalagang ambag ni Sir Juvimin Mustar, Administrative Officer, at ng Administrative Services Team sa paghahanda at pagsuporta sa mga kinakailangang pisikal at administratibong aspeto ng Library Hub.

Dumalo rin sa programa si Hon. Rolen Paulino, Jr., City Mayor ng Olongapo, na nagbigay-diin sa papel ng Library Hub bilang sentro ng kaalaman at oportunidad para sa buong komunidad. Ayon sa alkalde, ang ganitong pasilidad ay hindi lamang para sa mga mag-aaral kundi mahalagang bahagi ng paghubog ng isang mas maunlad at may kamalayang lipunan. Ipinahayag din niya ang kanyang kagalakan sa pagpili sa OCABIS bilang lokasyon ng Library Hub, na aniya’y patunay ng sama-samang pagkilos para sa edukasyon.




Nawa’y magsilbing sentro ng kaalaman, inspirasyon, at pag-asa ang Library Hub para sa mga mag-aaral, guro, at buong komunidad ng paaralan.





